Tuesday, November 18, 2008

History

Kasaysayan ng Erimbel - Unang Aklat
Para sa mga Batang Mambabasa
Sulat ni Elequin


Panahon ng Walang Talà
Ang kasaysayan ng panahong ito ay hindi naitala at nagpasa-pasa lang sa labi ng mga mang-aawit (nunô) at mang-lililok (duende). Nakasalaysay sa mga awit at lilok sa pader nung nilikha ng kataastaasang Elaija ang mga Valhala at mga Laji.

Ayon sa mga mga awit at lilok, may isang pangunahing Laji na nilikha, at ito ay nauna pa sa mga Valhala. Subalit sa pagiging mapagmataas, nilipon ng kataastaasang Elaija ang Lajing ito.

Nagtapos ang panahong ito ng magsimula ang Digmaan ng mga Laji.

Digmaan ng mga Laji
Ang pangunahing Laji sa Erimbel ay ang mga Nunô at Duende. Dahil sa pagtatalo sa teritoryo ng lupa na malapit sa Bundok Egandi, umabot ito sa isang malaking Digmaan. Umanib ang mga Tiqvaluan sa mga Nunô samantalang kumampi ang ilang higanteng Quapre sa mga Duende. Nagwakas ng digmaan ng mismong bumaba mula sa Egandi ang kataas-taasang Valhala na si Elaija.

Sa pagkakasundo ng mga Laji, itinayo ang bayan ng Patir kung saan tinatanggap anumang laji. Nagkaron ng hinanakit ang mga Tiqvaluan sa mga Nunô dahil nais ituloy ng mga ito ang digmaan samantalang nagbalik gubat naman ang natural na payapang mga Quapre.

Makalipas ang 50 taon, itinayo ang Aklatan ng Patir kung saan dumating at namuno si Elequin (na ang ibig sabihin ay Dugo ni El). Isa siyang kakaibang Nunô na naging punong taga-talà ng kasaysayan. May mga naniniwala na si Elequin ay anak ni Elaija na nagsakripisyo ng kanyang pagiging Valhala upang maging asawa ng isang nuno. Hindi ito itinanggi ni Elequin, pero hindi nya rin pinatunayan.

Dito nagsimula ang taòng 0Q.P. (Queija Patir o Pagtatag ng Patir).

Ang Mga Taô
Taòng 550QP ng dumating ang mga Taô sa lupain ng Erimbel. Sa di-inaasahang pangyayari, naging bayani ang tagalibot na si Tano Rajo, ang alipin na si Sajem Rowel at ang prinsesa ng mga tao na si Neri Nina. Kasama ang Nunông si Quirnos, Miquor at Elequin, ang Duendeng si Jabar at ang Albinong si Zubenelgenubi, inakyat nila ang Bundok ng Egandi at tinanggap ang pahintulot ng mga Valhala na tumira ang ang mga Taô sa lupain ng Erimbel.

Si Rajo ay nagpatuloy maglibot sa mga parte ng Erimbel upang ipaalam sa lahat ang pagtatag ng bayan nila na ipinangalan sa prinsesa. Si Neri naman ay nagsanay na maging pinuno ng bayan nila. Samantala, dahil sa angking talento sa majica, nag-aral si Jemwel sa pamumuno ni Rah Anem Sor.

Taòng 553QP ng pagpasyahan ng mga Seri na pukawin ang "Hamog ng Panaginip" at ipaligid ito sa buong lupain ng Erimbel upang wala ng ibang Laji ang makapasok sa bansa. Nalaman na lang kinalaunan na ang Hamog ay sadyang naroon upang panatilihing tulog ang Lajing mas nauna pa sa mga Valhala - ang mga Ashuan.

Digmaang Ashuan
Taòng 558QP ng sumiklab ang Digmaang Ashuan. Dahil sa pagtatraydor ng nunông si Miquor, madaling nasakop ang Seta - bayan ng mga Nuno. Ang higanteng punong Valité (tahanan ng mga albino) ay pinaulanan ng mga Ashuan ng apoy na naging dahilan ng pagkatupok nito. Sunod-sunod ang pagsalakay at pamiminsala ng mga Ashuan at dahil sa lakas ng kanilang kapangyarihan, maging ang mga Valhala ay nag-ingat sa pagkilos.

Ang samahang Rajo (Punong Tagalibot, Asawa ng Sultana Neri Nina), Neri (Sultana ng bayan ng Nerina), Rah Jemwel Sor (Punong Majiquero), Quirnos (Punong Tagalibot ng mga Nuno), Quirna (kapatid ni Quirnos, personal na tagapangalaga ng Prinsesa Quemera), Jabar (Duendeng Tagapamagitan ng bayan ng Tarbon), Zubenelgenubi (isang albino), Elequin (Punong Tagatala ng Kasaysayan), Saiji (isang misteryosong Nipon) at Jezrel (isang siren na nagkatawang nunô) ang nagpanalo sa Digmaan.


Ang Pagkakadiskubre sa Lihim na Panahon
Dalawang kristal ang naging susi ng pagkakapanalo sa Digmaang Ashuan. Ang memquiris (Kristal ng Ala-ala) ni Elaija at ang Kristal ng Paguin. Sa memquiris nadiskubre ni Jemwel at Jezrel ang unang Valhala na nilikha ni Elaija ay si Teewos, na siya namang lumikha ng Lajing Ashuan. Dahil sa pagiging mapagmataas, sinakop ng mga Ashuan ang Bundok ng Egandi at pinatalsik si Elaija. Sa pagtatago sa ilalim ng lawang nakapalibot sa Egandi, nadiskubre ni Elaija na ang tanging bagay na makakapinsala sa mga Ashuan ay ang kristal ng Paguin.

Nagbalik si Elaija sa Bundok ng Egandi at muntikang lupigin ang lahat ng Ashuan na naroon. Pinigilan sya ni Teewos at nagmakaawang wag ng lipulin ang mga Ashuan. Pumayag si Elaija at binalutan ng Hamog ng Panaginip ang buong Hilaga upang patulugin na lang ang mga Ashuan. Si Teewos naman ay pinaalis (kasama ang isang Ashuan) sa lupain ng Erimbel.

Dahil sa pagkakadiskubre ng pangako ni Elaija na hindi lilipulin ang mga Ashuan, pinaulanan na lang ni Jemwel ng isang makapangyarihang Sor ang hilaga, kung saan ang lahat ng nabubuhay ay magiging bato. Kinasamaang palad, nadamay si Quirnos sa pag-ulan na yon.

Ang Taòn ng Kadiliman
Dahil sa pinagsamasamang personal na pait sa buhay ni Jemwel, nag-iba ng direksyon ang kanyang pananaw. Ang dalawang beses na pagkabigo sa pag-ibig (kay Neri at Jezrel), at ang pagkawala ng matalik na kaibigan (Quirnos) sa kanyang kamay ay nagbunga sa isang napakasidhing ambisyon - ang maging isang Valhala.

Ginamit ni Jemwel ang lahat, pati sina Rajo at Neri, upang makamit ang sariling ambisyon. Nagtagumpay siya na akyatin ang bundok ng Egandi, at kainin ang Bunga ng Pûno ni Elaija. Sa pagkain nito, naging parang kristal ang katawan ni Jemwel tulad ng mga Valhala, ang unang hakbang para maging imortal.

Ang ikalawang hakbang ng pagiging imortal ay ang patuloy na pagsalin ng erija sa katawan. Eto ay natatanggap ng mga Valhala sa pagsamba ng mga Laji sa kanila. Subalit kay Jemwel, kailangan nyang pwersahing kunin ito sa mga Laji at ang unang kinuhanan nya ay si Neri at Rajo. Saka nadiskubre ni Jemwel na nagdadalang-tao si Neri at nagbago ang kanyang isip. Ibinalik ni Jemwel ang erija ni Rajo at Neri na naging dahilan upang magmistula syang kristal, tulad ng sinapit ng kanyang matalik na kaibigan na si Quirnos.

Wakas ng Unang Aklat
Dahil sa Digmaang Ashuan na isinisisi ng ibang Laji sa mga Taô, lumayo ang loob nila dito. Mas lalo itong tumindi ng mapabalita ang Taòn ng Kadiliman. Samantala, may mga naniniwala pa rin na walang kasalanan ang mga Taô, at ang ilan sa mga ito ay mismong bayani ng Digmaan. Maliban sa mga munting problema at alitan, patuloy na umunlad ang lupain ng Erimbel. Ang ibang parte ng kasaysayan ay nasa susunod na Aklat.

No comments: