Saturday, November 15, 2008

Erimbel - Overview

Ngayong umaga, nagsama-sama ang mga Seri para ikalat ang "Hamog ng Panaginip" sa buong Erimbel. Sa tingin ko, kakayanin ng kapangyarihan nila na ikalat ang hamog. Lalo na kasama nila si Jemwel (buti pa sya mabilis matutong gumamit ng Sor, kaya malapit na syang maging ganap na Seri). Pag natanggal ang Hamog, sa wakas, malilibot ko na rin ang hilagang parte ng bansang 'to. Sagabal talaga ang Hamog kung pupunta ka sa sa Hilaga.

Ako pa rin ang may pinakamalayong nalakbay sa Hilaga. Nakaapat na tâong-hakbang ako(sampung mabilis na hakbang para sa tulad kong albino) mula sa marka. Yung ibang kalansay (malamang sa gutom namatay), dalawang tâong-hakbang lang. Magaling na naman yung sugat ko sa kamay, buti na lang nagising ako sa kagat ng maliit na lobô. Ngayong wala na ang Hamog, siguradong mabubuo ko na ang paglibot sa buong Erimbel.

Sana makita ko ng malapitan ang mga Ibong Aquarna, kung totoo man sila...

Pinayagan na ng Patir ang pagtira ng mga Taô sa timog-silangan ng Erimbel. Ano kaya ang kakainin nila eh puro damuhan ang buong parte ng lupain na yon. Saka kakayanin kaya nila kung aatakehin sila lagi ng mga Tiqvaluan? Malapit kasi ang Gubat ng mga Tiqvaluan sa pagtitirhan nila.

Akala siguro ng mga Nunó, lalo na si Quemera, na hindi magagawa nila Rajo, Neri at Jemwel na mahingi ang pahintulot ng mga Valhala. Buti na lang kasama nila akong umakyat ng bundok Egandi para makuha yon. Ito talagang mga Nunó (maliban kay Quirnos, mabait talaga), mahilig magbigay ng mga imposibleng misyon. Dahil kaya puro prutas lang ang kinakain nila sa Punseta, kaya ganon sila mag-isip?

Tignan mo tong si Jabar, madaling kausap (kahit mainitin ang ulo). Nang matalo sya ni Rajo sa Hamon, binigay nya ang pahintulot na tumira ang mga Taô dito sa Erimbel. Mainipin lang talaga ang mga Duende na tulad nya, at mahilig maghamon, pero marunong tumupad sa usapan. Di tulad ng nunóng Miquor, ang akala mong oo na, andami pa palang pasikot-sikot, mas magulo pa sa paikot-ikot na bayan ng Tarbon (sana isama ako ni Jabar pag-uwi nya dito).

Oo nga pala, Nerina ang ipapangalan ng mga Taô sa bayan nila. Sana maging singganda ni Neri ang bayan. Pupunta ako sa kanila pagkatapos kong umuwi sa bayan ko (bago bumisita sa Hilaga). Uwi muna ko, sabik na akong bumalik sa Valité, at sumakay sa mga Ipu-ipo.

Totoo nga kayang wala ng makakapunta sa bansang Erimbel pag naikalat na ang Hamog sa paligid nito? Ayos din naman kung wala nang bagong dadating dito sa Erimbel. Meron ng Siren at Shokoa sa mga lawa at dagat, may mga Quapre na sa kagubatan, Tiqvaluan naman sa mapunong damuhan, Lambana sa ilan-ilang puno. Basta sa aming mga albino ang disyerto. Kung may ibang Laji na darating, san pa sila titira?

Sulat ni Zubenelgenubi
Tala-arawan, ika Pitong Buwan
Taong 553

No comments: